Batas sa mas mahabang maternity leave itinutulak sa Kamara

ABS-CBN News

Posted at Mar 12 2018 01:45 PM

Watch also in iWantTFC

MAYNILA - Umaapela ang ilang mambabatas na isama sa prayoridad ang panukalang magpapahaba sa maternity leave sa mga bagong panganak. 

Sa ilalim ng panukalang ito, gagawin nang 100 araw ang maternity leave mula sa umiiral na 60 araw para sa normal delivery at 78 araw sa cesarean delivery.

May opsyon naman ang bagong-panganak na kumuha ng karagdagang 30 araw na maternity leave pero wala na itong bayad.

Matagal nang nakabitin ang debate sa expanded maternity leave na huling natalakay sa ikalawang pagbasa. Magmula dito, natulog na ang panukala.

Ayon kay Rep. Bernadette Herrera-Dy ng Bagong Henerasyon Party-list, mismong si Speaker Pantaleon Alvarez na ang nangakong maipapasa ang panukalang batas.

Sa katunayan, pangako pa aniya ni Speaker Alvarez na pagtibayin sa ikatlong pagbasa ang expanded maternity leave bago sila mag-Lenten break. -- ulat ni Robert Mano, ABS-CBN News