PatrolPH

Ilang bayan sa Batangas maaaring takbuhan pag sumabog ang bulkang Taal

ABS-CBN News

Posted at Mar 10 2021 10:35 AM | Updated as of Mar 10 2021 01:40 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA (UPDATE) - Naghahanda na ang mga lokal na pamahalaan sa Batangas ng mga evacuation center para sa mga residenteng posibleng maapektuhan sakaling muling sumabog ang bulkang Taal.

Ang mga bayan ng San Pascual, Bauan at Batangas City ang ilan lang sa puwedeng maging takbuhan sakaling kailanganin ang paglikas ng mga residenteng naninirahan sa mga bayang nakapaligid sa bulkang Taal.

Ayon kay Rod dela Roca ng Batangas City Disaster Risk Reduction and Management Office, hindi sila basta-basta tatanggap ng mga evacuee mula sa mga bayan ng posibleng maapektuhan dahil kailangan pa rin makasunod sa health protocols lalo’t tumataas ang bilang ng kaso ng COVID-19.

Ang mga ililikas ay doon muna lahat sa Batangas Sports Complex dadalhin at magsisilbing staging area kung saan dadaan muna sila sa medical lahat.

Sakaling may makitang simtomas o nagpositibo sa COVID-19, diretso sila sa isolation facility.

Kaya lamang umanong tumanggap ng Batangas City ng 6,500 na evacuees para makasunod sa minimum health protocols tulad ng physical distancing para sa eskuwelahan nilang may 600 classrooms lamang. 

Nakatakdang magkaroon ng dialogue ang mga opisyal ng Batangas Miyerkoles ng umaga para pag-usapan kung anong dapat gawin.

Hinihingi din ng Batangas City sa mga bayan na maglilikas ng kanilang mga residente na dapat mag-submit na ng masterlist para alam na kaagad ilan ang pamilya ang ililikas, kung sinu-sino at kung saan dadalhin.

- TeleRadyo 10 Marso 2021

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.