Dinagat nagpapatayo pa rin ng mga bahay para sa mga nasalanta ng Odette

ABS-CBN News

Posted at Mar 09 2022 12:45 PM | Updated as of Mar 09 2022 01:00 PM

Watch more News on iWantTFC

MANILA – Tuloy-tuloy pa rin ang pagpapatayo at pagkukumpuni ng lokal na pamahalaan ng Dinagat Island ng mga bahay para sa mga residenteng nasalanta ng bagyong Odette noong Disyembre, sinabi ng isang opisyal ngayong Miyerkoles.

“Maulan pa rin dito, parang minsan, mukha kaming binabagyo-bagyo pa rin kahit wala talagang bagyo na dumaraaan," kuwento ni Jeff Crisostomo, public information officer ng lalawigan. 

''Medyo naging dahilan 'yun kung bakit nahihirapan kaming magtayo ulit ng mga bagong bahay tsaka mag-repair,” sabi niya sa panayam ng TeleRadyo. 

Nasa 16,000 bahay aniya ang nawasak sa Dinagat Island dahil sa bagyong Odette. 

Ayon kay Crisostomo, tumutulong ang United Nations sa pagpapatayong muli ng mga bahay na nasira ni Odette.

Ngagamit rin aniya ng mga taga-Dinagat Island sa pagkukumpuni ng kanilang mga bahay ang mga punong natumba sa pananalasa ng bagyo. Hindi na aniya kailangan ipaalam ng mga residente sa environment department ang paggamit ng chainsaw sa mga naturang puno. 

Bukod sa pabahay, nakatutok din aniya ngayon ang lokal na pamahalaan sa kabuhayan ng mga taga-Dinagat. 

Nakikipag-ugnayan ang probinsya sa national government at iba't ibang international organizations na makakapagbigay ng mga bagong bangka sa mga mangingisda, sabi ni Crisostomo.

Nagbibigay naman aniya ang Department of Agriculture ng mga binhing mabilis tumubo, gaya ng gulay, "para mas mabilis din pong anihin at mapagkakitaan, makain din po ng mga tao."

Sa isang panayam noong Disyembre, sinabi ni Crisostomo na halos 90 porsiyento ng mga tanim sa Dinagat Island ang nasira ni Odette. 

Ang bagyong Odette ang pinakamalakas na bagyong tumama sa Pilipinas noong 2021. Ayon sa UN, higit 1.5 milyong bahay sa bansa ang nasira o nawasak dahil dito.

--TeleRadyo, 9 March 2022