PatrolPH

Ilang mangingisda sa Pangasinan umaaray sa taas-presyo ng petrolyo

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2022 12:55 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA—Isang kahig, isang tuka. 

Ito ang matagal nang buhay ng ilang mga mangingisda sa Pangasinan.

Pero ngayon na sumisirit ang presyo ng gasolina, suwertihan na kung makakauwi ng P100 kada araw ang ilan sa kanila.

Kuwento ni Percibal, 56 anyos, na may 12 anak, naglalaro lang sa P300-350 ang kinikita niya sa 2 oras na nasa dagat siya para mangisda.

Karaniwang nakukuha nila ay mga sapsap, espada at iba pa.

Dahil nasa halos P250 na nakukunsumo nilang gasolina balikan, halos P50 na lang ang nauuwi niya sa kaniyang pamilya.

Hindi rin kasi nila kayang taasan ang presyo lalo na't halos 90 silang mangingisda na nagbebenta ng mga huli nila sa mga tindera sa palengke.

Samantala, kung gasolina ang kinokonsumo ng bangka ng mga mangingisda sa Pangasinan, sa Navotas port ay diesel ang konsumo ng mga malalaking bangka.

Ayon sa mga mangingisda sa lugar, P5,000 ang gastos sa krudo para sa 12 oras na pangingisda.

Kaya naman para makabawi sa kita, binebenta nila P10,000 kada banyera ng hasa hasa na kanilag nahuhuli.

Minsan ay nasa P20,000 ang kita nila, na paghahatian ng halos 15-20 na mangingisda na magkakasama sa bangka.

Kaya naman sabi nila, posibleng dagdagan pa nila ang presyuhan nila sa mga darating na araw, lalo na sumirit na sa P64-70 kada litro ng produktong petrolyo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.