PatrolPH

2 carjackers patay sa Batasan Hills

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2022 06:26 AM

Watch more News on iWantTFC

Patay ang dalawang umano'y carnapper matapos makipagbarilan sa mga pulis sa Barangay Batasan Hills, Quezon City Lunes ng madaling araw. 

Ayon kay PLtCol. Alexis Sonido, chief of police ng QCPD Station 6, humingi ng tulong sa kanilang tanggapan ang biktima na si Cris Apostol matapos nakawin ng mga suspek ang kaniyang motorsiklo kaninang madaling araw.

Hinatid lang niya pauwi ang isang kaibigan nang bigla siyang tutukan ng baril ng mga suspek. Dun na tinangay ng isa sa mga lalaki ang kaniyang motorsiklo.

Agad nagkasa ng drag net operation ang mga pulis para matunton ang mga suspek at ninakaw na motorsiklo. 

Nakatakas ang isa sa mga suspects sa gitna ng drag net operation habang nakipagpalitan naman ng putok ang dalawa sa kaniyang mga kasamahan.

Agad silang isinugod sa ospital. Nakumpiska rin sa kanila ang dalawang kalibre trentay otso na revolver at ang motorsiklo na kanilang 'ninakaw.

ABS-CBN News TeleRadyo, March 7, 2022

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.