6 sasakyan inararo ng truck sa Cavite; ilan sugatan

ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2019 12:37 PM | Updated as of Mar 07 2019 07:54 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Sampu ang nasugatan matapos araruhin ng isang 10-wheeler truck ang anim na sasakyan sa Silang, Cavite, Huwebes.

Nawalan umano ng preno ang truck ng may kargang feeds sa Sta. Rosa-Tagaytay Road, Barangay Puting Kahoy, dahilan para mabangga nito ang dalawang tricycle at apat na kotse.

Nayupi ang isa sa mga tricycle sa lakas ng banggaan. Kabilang naman sa nasugatan ang mag-inang tatawid lang sana.

Sumikip ang trapiko mula sa Nuvali area sa Sta. Rosa, Laguna paakyat ng Tagaytay dahil sa insidente.

Arestado ang drayber ng trak na si Junley Morales. Hinala ng pulisya na naging dahilan sa insidente ang bigat ng karga ng trak at ang pababang kalsada.

Inihahanda na ang kasong reckless imprudence resulting in damage to property and multiple physical injuries laban sa drayber ng trak.

Ayon sa pulis, nangako ang may-ari ng trak na tutulong sila sa mga biktima.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.