Mga deboto dumagsa sa Quiapo sa unang Biyernes ng Alert Level 1

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Mar 04 2022 10:17 AM

Watch more News on iWantTFC

MANILA -- Bago pa man tumaas ang araw, damang-dama na ang pananampalataya ng mga deboto sa loob at paligid ng Quiapo Church nitong unang Biyernes sa buwan ng Marso.

Mas marami na kasi ang pwedeng dumagsa sa simbahan ngayong nakairal ang COVID-19 Alert Level 1 sa Metro Manila.

Ayon kay PLt. Gary Mendoza, assistant commander ng istasyon ng pulis sa Plaza Miranda, nasa mahigit 2,000 deboto ang maagang nagmisa dito sa simbahan.

Puwede na kasi ang nasa 560 na indibidwal na nakaupo sa mga pews o yung mahahabang upuan sa simbahan. Limang katao lamang kada pew ang pinapayagan. Nasa 540 naman ang puwedeng nakatayo sa loob. Pawang mga vaccinated lamang ang mga nasa loob ng simabahan.

Sa Plaza Miranda naman, nasa 300-400 indibidwal ang pwedeng tumayo.

Labis na ikinatuwa ng mga ilang dekada nang mga deboto ng Itim na Nazareno itong pagluwag sa alert status lalo na't nasasama na rin nila sa simbahan ang kanilang mga apo.

Samantala, tanging mga nagtitinda lamang ng mga bulaklak ang pinapayagan sa Plaza Miranada, habang ang mga nagbebenta ng kandila ay pwede sa gilid ng simbahan.

--TeleRadyo, 4 March 2022