PatrolPH

Tigil-pasada, tuloy na sa Lunes: transport group

ABS-CBN News

Posted at Mar 03 2023 03:30 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA – Kasado na sa Lunes ang tigil-pasada ng grupong Manibela bilang protesta sa public utility vehicle (PUV) modernization program. 

Sabi sa TeleRadyo ng pangulo ng grupo na si Mar Valbuena, tuloy ang tigil-pasada kahit pa pinalawig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Disyembre 31 ang deadline para sa pagsali sa kooperatiba ng mga drayber sa ilalim ng programa. 

May ilang miyembro aniya ng transport groups na lalahok sa tigil-pasada kahit na hindi sasali ang kanilang grupo. 

“Ngayon pa lang humihingi na tayo ng paumanhin sa ating mga kababayan, eh sana maintindihan ninyo na naiintindihan po namin kayo na mahirap pong maglakad, mahirap sumakay, pero sa amin mahirap din po na wala kaming kabuhayan para sa aming pamilya,” ani Valbuena.

Iginiit din niya na dapat na lang ipatupad ang sistemang “drop and substitute,” kung saan imbis na obligahin ang mga drayber at operator na sumali sa kooperatiba ay papalitan ang mga traditional jeepney ng modernized units kapag luma at hindi na roadworthy ang mga ito.

Aniya, mas abot-kaya ang naturang sistema kaysa ang mag-consolidate sila at maghanapan ng kooperatiba na kailangan pang magbayad ng napakamahal ng membership fee.

Sang-ayon din ang grupo na gawing open-ended ang deadline o palugit sa PUV modernization sa halip na sa December 31.

7 PINAKAMALAKING TRANSPORT GROUP DI SASALI 

Watch more News on iWantTFC
Video mula sa PTV

Samantala, sinabi naman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hindi sasali sa tigil-pasada ang "Magnificent 7" o ang 7 pinakamalaking transport groups sa bansa. 

"Dahil dito, magdi-deploy ang MMDA at LGUs ng mga sasakyan depende po sa sitwasyon ng bawat lugar. Handa na lahat po kami pero hindi po namin idi-deploy agad unless may shortage po sa mga areas," sabi ni MMDA spokesperson Melissa Carunungan sa isang public briefing. 

Handa ang MMDA na ipagamit ang kanilang mga bus para sa mga biyahe at bukas din itong suspendihin ang number coding, ayon kay Metro Manila Council (MMC) chairman at San Juan City Mayor Francis Zamora.

Nagpulong na rin aniya ang mga alkalde at napag-usapan ang pagde-deploy ng mga sasakyan ng mga local government units para sa libreng sakay.

“Kami’y umaasa na baka naman po sa darating na araw, bago nga po ang Lunes, ay maresolba ang mga probelma at magdesisyong huwag na lang ho sana magkaroon ng tigil-pasada sapagkat siyempre malaki ang epekto nito sa ating mamamayan,” saibi niya sa TeleRadyo. 
 
Sa San Juan, rerenta ang local na pamahalaan ng mga bus at maglalabas ng utos para payagan ang mga tricycle na bumiyahe sa labas ng kanilang mga ruta simula Lunes.

Sa lungsod ng Maynila naman, inihahanda na ang mahigit isang dosenag bus, truck at iba pang mga shuttle services para sa libreng sakay sakaling matuloy ang tigil-pasada. 

SALOOBIN NG MGA COMMUTER 

Nainiwala naman ang isang grupo ng mga commuter na dapat magbigay pa ng konsiderasyon ang gobyerno sa pagpapatupad ng PUV modernization program.

“Kaya naman magawa yung modernization kung yun nga, makakapag-adjust and hindi iisipin ng gobyerno na kailangan sabay-sabay lahat,” ani Primo Morillo, convenor ng The Passenger Forum. 

“Wala kaming problema doon sa i-consolidate eh. Tingin namin yun yung paraan para maging arawan at suwelduhan yung mga stuper at hindi na boundary system. Nagwo-work against minsan sa interest ng pasahero yung boundary system,” dagdag pa niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.