PatrolPH

'New normal' paiiralin sa Quiapo Church sa ilalim ng Alert Level 1

ABS-CBN News

Posted at Mar 03 2022 12:34 PM | Updated as of Mar 03 2022 12:41 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Paiiralin ang tinatawag na "new normal" sa Quiapo Church sa paglagay sa Metro Manila sa COVID-19 Alert Level 1, ayon sa isang pinuno ng simbahan ngayong Huwebes.

Ayon kay Fr. Douglas Badong, parochial vicar ng Quiapo Church, mananatili ang physical distancing at iba pang health protocols na ipinatutupad ng simbahan.

"Hindi tayo puwedeng agad-agad bumalik dun sa dati," aniya sa panayam sa TeleRadyo.

"'Yung new normal na ipinapatupad natin sa pamamaraan ng pagsisimba at pagpunta dito ng mga deboto ay itutuloy po natin."

Aabot sa 70-80 porsiyento na capacity lang ang ipinatutupad sa Quiapo Church.

Sabi ni Badong, may pila pa rin sa pagpasok sa loob ng simbahan. Dapat aniya nasa 5 katao lang ang puwede sa mga upuan dahil sa physical distancing.

Istrikto ring ipinatutupad ang "no face mask, no entry" policy.

Simula Marso 1-15, nasa pinakamababang alert level ang Metro Manila at iba pang lugar sa bansa matapos kumonti ang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.