Binatang lulong sa e-sabong, natalo ng P1 milyon, pinilit talikuran ang bisyo para sa magulang

ABS-CBN News

Posted at Mar 03 2022 04:37 PM

Watch more on iWantTFC

MANILA – Sa isang upuan, natalo nang P1 milyon si John Robin Manalili dahil sa pagkalulong sa online sabong – isang bisyo na kuwento niya ngayong Huwebes ay pinilit niyang iwaksi nang madamay ang kaniyang mga magulang sa pagkakautang. 

Ani ng 20-anyos na negosyante mula sa Pampanga, nagsimula siyang tumaya ng P100 sa e-sabong noong Abril o Mayo ng nakaraang taon. 

“Hanggang sa nagka-interes na ako na tumataas, tumataas, hanggang sa umabot ng June… natalo ako nang mahigit P200,000,” sabi ng binata sa pahayag ng TeleRadyo. 

Tumigil aniya siya sa paglalaro nang isang buwan dahil dito. Pero hindi kalaunan at bumalik si Manalili sa e-sabong.

“Sabi ko parang gusto kong bumawi. 'Yun iyung naging mindset ko. And naglaro ako nang naglaro hanggang sa natalo rin ako siguro umabot na sa, almost [half a million] na yung natatalo ko,” ani Manalili. 

“Eto nga yung huli kong laro, last November, na natalo ako ng almost P1 million," dagdag niya. 

Ito ang naging dahilan para magsara ang kaniyang motor shop sa parehong buwan. 

“Inuwi ko lahat ng mga piyesang tira ko sa bahay namin, sa bodega,” sabi ni Manalili. “Yun yung nangyari, medyo masakit na parang nahiya ako sa mga tao kasi that time nagkautang ako, na hindi lang isa, dahil marami pa.” 

“Dumating pa yung point na may mga nagpapadala [ng pera] sa akin dahil sa business ng magulang ko, na ipinangsusugal ko na rin, nagsisinungaling na rin ako sa ibang mga tao. Pati sa mga nakuhanan ko ng GCash that time.”

Pero matapos na madamay ang mga magulang sa kanyang pagkakamali, nagdesisyon na si Manalili na tahakin na ang tuwid na landas.

“Sinabi ko babawi ako, ayoko nang makikita yung mga magulang ko na ganito na nahihirapan, na halos hindi rin alam yung gawin sa pinaggagagawa ko.” 

MGA NAWAWALANG SABUNGERO

Kamakailan, hinikayat ng ilang mambabatas si Pangulong Rodrigo Duterte at ang Pagcor na suspendihin ang lisenya ng ilang e-sabong operators. 

Ito'y matapos na rin ang umano'y kaugnay na pagkawala ng nasa 31 sabungero. 

“Basically gambling is evil... immoral talaga yung gambling, whether legal or illegal. It’s plainly immoral,” ani Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa isang panayam nitong Biyernes.

Giit ng dating hepe ng Philippine National Police, nakalululong ang e-sabong at may masamang epekto ito sa kalusugan. 

BAGONG BUHAY

Naiintindihan ni Manalili ang tukso ng e-sabong. Aniya, walang humikayat o namilit sa kanya noon na ipagpatuloy ito sa kabilang ng maraming pagkatalo. 

“This is my choice,” sabi ng binata. “Parang naengganyo lang talaga ako na, parang ang bilis ng pera dito. Kaya nahumaling akong maglaro.”

Sa ngayon, pinagtuunan ng atensyon ni Manalili na makabangon ang kaniyang negosyo.

“Sa una, nanghinayang din ako, pero sabi ko, lesson learned na lang sakin na pwede ko namang itama yung mga pagkakamali ko,” sabi niya. 

Bukod sa motor shop, pinasok na rin ni Manalili ang tailoring at pagnenegosyo online upang makabawi. 

Aniya, unti-unti na rin niyang nababayaran ang kanyang mga utang.

“Lahat ng mga negative na nangyari sa akin before tinalikuran ko na, wala na para sa akin yun. Nagfo-focus na ako ngayon sa present ko, anong buhay ba yung mangayayari sa akin? Ipagpapatuloy ko ‘tong negosyo,” aniya. 

--TeleRadyo, 3 March 2022