Suspek sa hostage taking sa isang mall sa San Juan, sumailalim na sa drug at paraffin test

ABS-CBN News

Posted at Mar 03 2020 07:39 AM | Updated as of Mar 03 2020 08:10 AM

Watch also in iWantTFC

Isinailalim na ang suspek sa hostage taking sa isang mall sa San Juan sa drug at paraffin test sa crime laboratory ng Eastern Police District nitong Lunes ng gabi.

Matapos maaresto, nakuha din sa suspek na si Alchie Paray ang isang caliber .45 na baril at mga bala.

Ayon kay Police Col. Jaime Santos, hepe ng San Juan Police, lumalabas sa kanilang imbestigasyon na hindi lisensiyadong security guard si Paray.

Pinabulaanan naman ni Paray ang umano'y alegasyon na hindi siya registered na security guard sa Supervisory Office on Security and Investigation Agencies ng Philippine National Police.

Giit ni Paray, hindi siya makakapasok sa loob ng mall kung wala siyang ID bilang security guard ng mall. “Kung wala ako ID e di sana hindi ako nakapasok na security sa mall,” aniya.

Ang suspek ay isang nag-AWOL na security guard ng Greenhills Shopping Center na nang-hostage ng mga opisyal at staff ng V-Mall nitong Lunes.

Hindi siya umano nagsisi sa kanyang ginawa dahil naiparating niya ang nais niyang sabihin. Marami umano hinaing si Paray simula pa noong isang taon na hindi napakinggan, kabilang na ang hindi patas na pagtingin ng mga opisyal ng mall sa mga manggagawang nasa posisyon.

Patung-patong na kaso ng grave coercion, grave threat, illegal possesion of explosives, illegal possession of firearms at frustrated murder ang kakaharapin ni Paray.

—Umagang Kay Ganda, Lunes, 03 Marso, 2020

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.