PatrolPH

2 Chinese kidnap victim inilagay sa kulungan ng aso; 3 suspek patay

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2022 09:10 AM

Watch more News on iWantTFC

Patay ang 3 hinihinalang Chinese kidnappers matapos makipagbarilan umano sa mga awtoridad sa Parañaque City. 

Naganap ang engkuwentro noong Linggo sa isinagawang joint operation ng Anti-Kidnapping Group, Pasay City police, and Paranaque City police pasado alas-singko ng hapon.

Dito nasagip ang dalawang biktimang chinese na inilagay sa kulungan ng aso. 

Ayon kay SPD Director BGen Jimili Macaraeg, kadalasan ay mga POGO workers umano ang mga biktima na pinapatubos kapalit ng ransom money. 

Naisugod pa sa ospital ang mga di pa nakikilalang suspek ngunit dineklarang dead on arrival ang mga ito. 

Narekober rin sa lugar ang ilang mga firearms, mga uniporme ng police, NBI, sundalo, at iba ibang plate numbers ng sasakyan. 

Kasalukuyan pang iniimbestigahan ng pulis ang insidente. 

Samantala, sa Quezon City, patay ang isang Nigerian national na sinasabing tulak ng droga matapos mauwi sa engkuwentro ang isang buy-bust operation sa Batasan Hills. 

Base sa report, ikinasa ang operasyon laban sa tatlong suspek bandang alas-onse ng gabi nitong Linggo.

Paliwanag ni PLTCol Alexy Sonido ng station 6, nakaramdam ang mga suspek na pulis ang katransaksiyon kaya nagpaputok ito ng baril na nauwi sa engkuwentro

Nakumpiska sa mga suspek ang 2 kilo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na 13.6 million pesos. 

Ayon sa report, kilalang drug dealer umano sa NCR at iba pang kalapit na probinsya ang mga suspek.

ABS-CBN TeleRadyo, February 28, 2022 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.