4 timbog sa buy-bust sa QC

Isay Reyes, ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2018 09:55 AM | Updated as of Oct 20 2018 09:43 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA – Apat ang nahuli sa naganap umano na drug session sa loob ng isang barong-barong sa Quezon City, Biyernes ng gabi.

Sa loob ng bahay na target ng pulisya nahuli ang mga suspek na kaharap pa ang mga foil, lighter at bukas na sachet ng hinihinalang shabu.

May nakita ring isang sumpak sa tabi ng isa sa mga suspek.

Pero itinanggi naman ng kanilang target na sa kaniya ang shabu habang nagturuan ang iba pa niyang kasama.

Ayon sa mga opisyal ng barangay, kilala na nilang gumagamit ng droga ang target ngunit hindi raw ito nakikipag-tulungan sa kanila. Ginagamit din umano sa drug session ang kaniyang bahay.

Nasa limang sachet din ng hinihinalang shabu ang narekober sa kanila. 

“Basta alam po namin namamasukan na lang sila. Sobra naman programa sa barangay, ‘di naman kami nakakalimot sa kanila,” sabi ni Kagawad Anna Jasmin ng Barangay Pinayahan. 

Sa Miami Street sa Cubao naman nagsagawa ng test buy ang awtoridad sa target na si alias Jane. 

Nang mag-positibo, agad nilang ginawa ang buy-bust operation at nadiskubreng ang kasintahan pala nito ang kaniyang kasabwat.

Sa isang apartelle umano sila tumatanggap ng mga parokyano kaya't isang buwan na silang naka check-in doon. 

Nasa 22 sachet ng shabu ang nasamsam sa dalawa na mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.