Kawani ng gobyerno, arestado sa motel, inireklamo ng panggagahasa

ABS-CBN News

Posted at Feb 25 2018 08:03 PM | Updated as of Oct 20 2018 10:52 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Arestado ang 46 anyos na lalaking kawani ng gobyerno matapos ireklamo ng panggagahasa ng 20 anyos na estudyante sa Camarines Sur.

Pinasok ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) Camarines Sur ang kuwarto sa isang motel at dinatnan ang inirereklamong lalaki at ang biktima.

Agad inaresto ang lalaki at dinala sa tanggapan ng NBI.

Base sa mga nakuhang I.D., nakilala ang lalaki na isang empleyado ng isang ahensiya ng gobyerno.

Ayon sa biktimang si alyas "Anna," nakilala niya sa Facebook ang suspek.

Sa loob ng dalawang taon, paulit-ulit umano silang nagkita ng lalaki.

Dinadala rin umano si Anna sa iba-ibang motel ng suspek na nagbantang ikakalat ang mga pribadong retrato ni Anna kung aayaw siya sa gusto ng lalaki.

"Lagi po akong parang umaayaw. Hindi po ako sumusunod, nagagalit siya tapos sinasabi niya 'yung mga ilalabas niya [mga picture]," sabi ni Anna.

Hanggang sa dumulog na sa isang guro si Anna para tulungan siyang i-report ang suspek.

"So I advised her na ipa-report sa Facebook... that account was blocked... but then 'yong lalaki po, ang ginawa is he created another account," kuwento ng gurong tumulong sa biktima.

Dahil hindi umano tumigil ang suspek, nagpatulong na ang biktima at ang guro sa NBI para dakpin ang lalaki.

"Allegedly siya ay pinipilit na makipag-sex, kung hindi, ilalabas daw niya 'yong mga hubad na pictures niya [biktima] sa Facebook," ani Atty. Dante Bonoan, head agent ng NBI-Camarines Sur.

"Gusto ko na pong bayaran niya 'yong mga ginawa niya tapos po, gusto ko na rin pong matahimik ang buhay ko," sabi ni Anna.

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek.

Kakasuhan ang suspek ng paglabag sa Anti-Violence Against Women and Children Act at Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009.

"Base do'n sa alegasyon na na-rape siya ano, puwede nating mai-direct filing na lang 'yong kaso for rape," sabi ni Bonoan.

-- Ulat ni Kate Delovieres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.