Mga barangay sa Pasay na nasa ilalim ng localized ECQ, umabot na sa 55

ABS-CBN News

Posted at Feb 24 2021 09:00 AM | Updated as of Feb 24 2021 10:23 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA (UPDATE) - Dumarami ang mga kaso ng COVID-19 na naitatala ng lungsod Pasay kaya’t itinaas na sa 55 ang bilang ng mga barangay na isinailalim sa localized enhanced community quarantine.

Ang mga barangay na may 3 bilang ng kaso ng COVID-19 ay agad na naidadagdag sa listahan ng localized lockdown.

Sa Barangay 183, umabot na sa 29 ang active cases ng COVID-19 sa ngayon kumpara noong Martes na nasa 25 pa lang.

Inaasahang tataas pa ang bilang ng mga kaso dahil umaabot sa third generation ang paghahanap sa close contacts ng mga nagpopositibo, ayon kay Mico Lorca, pinuno ng Pasay City Contact Tracing.

"Nakikita po namin ang bilis po kasi magkahawaan so importante po 'yung mga tao ma-test po namin kaagad para ma-isolate namin sila," aniya sa isang pahayag sa Teleradyo.

Sa 435 na aktibong kaso, nasa 60 porsyento ang magkakasama sa bahay, dagdag niya. Hinihintay naman ng lungsod ang resulta ng samples na ipinadala nito sa Philippine Genome Center upang malaman kung may COVID-19 new variant sa lugar.

Mayroong 3 quarantine facility ang lungsod at may 2 pang nakaantabay, ayon kay Lorca.

Sa ilalim ng localized ECQ, bawal pumasok ang mga walang ID o quarantine pass. Ang mga hindi naman residente ng barangay tulad ng mga delivery rider at construction ay hindi rin pinapayagang makapasok kung walang negative COVID swab test.

Nilinaw ng lokal na pamahalaan ng Pasay na kapag sinasabing localized ECQ, hindi umano nangangahulugan na buong barangay ang naka-lockdown. Posible umanong ito ay isang bahay lang o isa o dalawang kalsada lamang, depende sa dami ng mga kaso sa isang barangay.

Martes din ng may magpositibo sa lungsod na isang 23-anyos na babae at kaniyang apat na buwang sanggol. 

Wala nang sintomas ang mag-ina at magkasama na sa quarantine facility, ayon kay Lorca.

- TeleRadyo 24 Pebrero 2021

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.