Bakit nagpapalagay ng abo sa noo tuwing Ash Wednesday?
ABS-CBN News
Posted at Feb 21 2023 08:34 PM
MAYNILA — Sa Ash Wednesday, Pebrero 22, maraming Katoliko ang inaasahang magpapalagay ng abo sa noo, bilang parte na rin ng tradisyon.
Pero bakit nga ba nagpapalagay ng abo tuwing Miyerkoles ng Abo o Ash Wednesday?
Ayon kay Fr. Douglas Badong, parish priest ngNuestra Señora de la Soledad de Manila Parish sa San Nicolas, Maynila, ang Ash Wednesday ay marka ng pagsisimula ng pagpasok ng Kuwaresma o Lent.
Hindi rin sapilitan ang pagpapalagay ng abo, aniya.
"Hindi porke't Katoliko ka magpapalagay ka ng abo," sabi ni Badong sa ABS-CBN TeleRadyo ngayong Martes.
"Kailangan maging malinaw sa iyo na ang pagpapalagay ng abo ay pag-amin na tayo po ay may kasalanan at tayo po ay naghahangad na makahingi ng tawad sa Diyos. 'Yan ang [sinisimbolo] ng pagpapalagay ng abo," dagdag niya.
Paliwanag ni Badong, ang pagpapalagay ng abo ay tila pag-aanunsiyo sa publiko na ang isang mananampalataya ay "mahina, nagkasala," at gustong humingi ng tawad sa Diyos.
Kung magpapalagay aniya ng abo, mainam na palalimin rin ang pakikiisa.
"Mag-fasting and abstinence," payo niya.
"Magfa-fasting ka dapat, sisikapin mong disiplinahin ang iyong sarili na magbabawas ka ng pagkain. At hindi ka kakain ng mga hindi dapat kainin sa araw na ito.
"Mahirap naman kung magpapalagay ka ng abo, makikiuso ka lang, makikigaya ka lang, kung hindi bukal sa iyong kalooban ang pagpapalagay ng abo hindi mo kinakailangang magpalagay ng abo."
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Tagalog news, TeleRadyo, Ash Wednesday