May-ari ng tindahan nanakawan ng cellphone sa Marikina

ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2020 08:00 AM

Watch also in iWantTFC

Isang may-ari ng tindahan ang nanakawan ng cellphone ng isang hindi pa nakikilalang mandurukot sa Marikina Public Market. 

Nakita ng mga awtoridad sa CCTV ang isang lalaking naka-asul na t-shirt ang nakatingin sa mga tindang gulay ng biktima at nang matiyak nang walang ibang nakatingin, mabilis niyang binulsa ang gadget na nakasiksik sa mga gulay at kumaripas ng takbo. 

Aminado naman si Ernesto Moral, barangay ex-officio ng Barangay Sta. Elena, na may mga insidente ng pandurukot sa loob ng palengke lalo na kapag umaga kung kailan dumaragsa ang mga mamimili.

“Talagang maraming report sa amin lalo sa umaga. May bilihan kasi. Ang kilos ng tao dito ganitong oras nandiyan na ‘yung biyahero. Talas ng pakiramdam dahil karaniwan d’yan may mga tauhan sila. Timbrehan nila ang mga mamimili nila. Makikita ang mukha pero wala na ‘yung tao,” ani Moral.

Nagpaalala rin si Moral sa mga tindero’t tindera na agad ipa-blotter ang mga mandurukot para mabilis na ikalat sa iba pang bahagi ng palengke at maagapan na hindi na maulit pa ang insidente.

Umaasa ang may-ari ng tindahan na agad mahuhuli ang mandurukot.

—Umagang Kay Ganda, Biyernes, 21 Pebrero, 2019

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.