Pfizer vaccine, wala pang tiyak na petsa ng pagdating sa bansa: Roque

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2021 12:51 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Wala pang tiyak na petsa kung kailan talaga madedeliver sa bansa ang bakunang gawa ng Pfizer na gagamitin sa vaccination program sa bansa.

“Ang Pfizer, wala pa rin tayong petsa kasi kinakailangang mag-agree muna 'yung mga abugado ng Pfizer doon sa isinumite nating indemnity agreement at hindi ko po alam kung talagang aantayin nila 'yung batas,” pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

Hiniling na ni Pangulong Rodrigo Duterte na pabilisin ang pagpasa ng indemnification fund para sa mga mababakunang makakaranas ng side effect mula sa mga bakuna kontra COVID-19.

“Nakasaad 'yan sa COVAX facility na kinakailangang magkaroon ng ganyang kasunduan sa panig ng COVAX, nung mga gumagawa ng mga bakuna, at mga bibigayn ng COVAX na talagang kinakailangang magkakaroon ng indemnity agreement na magbibigay ng danyos kapag may side effect ay 'yung gobyerno, hindi po ang manufacturer,” paliwanag ni Roque.

Sa panayam sa TeleRadyo Biyernes ng umaga, sinabi ni Roque na mas nagiingat ang mga vaccine manufacturers sa kabila na rin ng karanasan ng Sanofi sa kontrobersiyal na dengue vaccine.

“Di natin maaalis sa mga multinational pharmaceutical companies na gumagawa ng bakuna na maging mas maingat pag dating sa Pilipinas,” sabi niya.

Nauna nang sinabi ni vaccine czar Carlito Galvez na ang kawalan ng indemnification program ay nakapag-antala sa pagdeliver ng 117,000 doses ng bakuna mula sa Pfizer-BioNTech.

Inaasahan sanang dumating ang naturang bakuna sa kalagitnaan ng buwan ng Pebrero para masimulan ang vaccination program ng bansa.

Bukod sa Pfizer, sinabi ni Roque na nagbigay na rin notice ang COVAX Facility na matutuloy ang delivery ng AstraZeneca sa huling bahagi ng buwan.

“Pero dahil nga maraming kumukuha ng AstraZeneca baka magkaroon ng konting delay pagdating sa delivery dahil 'yung logistics nagbibuild-up pagdating sa numero ng AstraZeneca vaccines na idedeliver,” sabi ni Roque.

Dagdag ni Roque ang hinihintay ng gobyerno na darating sa Peb. 23 ay ang Sinovac, o ang bakuna mula sa China pero kinakalangan munang maaprubahan ag emergency use authorization nito bago ang delivery ng mga bakuna.

“Nandito po tayo sa parang catch-22, na ang pwede lang po nating gamitin ay Pfizer at AstraZeneca. Wala naman pong supply na dumating. Yung dino-donate sa atin, ‘di naman natin magagamit pa dahil wala pang EUA,” aniya.

Sa kabila nito, umaasa pa rin si Roque na mabibigyan ng EUA ang Sinovac bago ang takdang delivery ng mga bakuna nito sa bansa.
 
“Baka naman may awa ang Panginoon, baka naman lumabas 'yung EUA bago dumating 'yung takdang petsa ng delivery ng Sinovac nang sa ganung, (Peb.) 24 pwede pa rin tayong magpatuloy nung ating roll out ng vaccination program,” sabi biya.

- TeleRadyo, 19 Pebrero 2021