Truck driver na nakapatay sa mag-ina sa Bulacan, positibo sa droga

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2020 11:46 AM | Updated as of Feb 19 2020 06:51 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Nagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga ang driver ng truck na naaksidente at kumitil ng isang tindera at kaniyang 3-buwan na sanggol sa San Jose Del Monte, Bulacan, sinabi ng pulisya ngayong Miyerkoles. 

Nawalan umano ng kontrol sa manibela ang drayber na si Eliazar Lumawag dahilan para araruhin ng truck ang hilera ng mga sasakyan at tindahan sa gilid ng Quirino Highway nitong Martes. 

Nagpositibo si Lumawag sa paggamit ng methamphetamine o shabu, batay sa resulta ng drug test na inilabas ng Central Luzon police crime laboratory. 

"Ang assessment po namin, siya ay tuliro, lethargic... Sinabi n'ya po sa mga tao doon na gumamit daw po siya ng ipinagbabawal na gamot," una nang sinabi ng imbestigador na si Cpl. Dante De Guzman Jr. 

Umamin din si Lumawag na kalalaya lang niya sa kasong paggamit din ng iligal na droga, ayon sa mga imbestigador. 

Noong umaga bago ang aksidente, kinumpiska ng mga traffic enforcer ang lisensya ng drayber matapos nitong masagasaan ang ilang traffic cone sa bayan. Binigyan siya ng ticket para sa reckless driving and obstruction, ani De Guzman. 

Nasa kustodiya na ng San Jose del Monte police ang driver, samantalang nagbigay na ng paunang tulong ang may-ari ng truck sa 12 nasugatan sa insidente, kabilang ang isang biktima na naka-confine pa rin sa ospital. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.