BIR di sumipot sa pagdinig ng kaso ng POGOs

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2020 07:02 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Naglabas ng hinanakit si ACT-CIS Rep. Eric Yap dahil sa kabiguan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na dumalo sa pagdinig ng Kamara hinggil sa umano’y hindi nakolektang P50 bilyon halaga ng buwis ng mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).

Sumulat na ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa BIR para makuha ang listahan ng mga kumpanyang hindi nagbabayad ng buwis at handa na silang ipasara ang mga ito. 

Panukala ni Rep. Joey Salceda, ipaubaya na lamang ng PAGCOR sa Commission on Audit ang pagbabantay sa kita ng mga POGO imbes na kumuha pa sa mga pribadong kumpanya. Aabot daw kasi ng P800 milyon kada taon o P14 bilyon ang kontrata sa mga third-party audit ng e-games at POGO. 

Lumabas din sa pagdinig na kulang sa koordinasyon ang inter-agency task force ng POGO. Bukod kasi sa mga hindi nakokolektang mga buwis, mistulang iba-iba ang tugon ng mga ahensiya tungkol sa kidnapping, prostitusyon at iba pang krimen na kinasasangkutan ng mga POGO workers. 

Matapos isagawa ang pagdinig, inirekomenda rin ni Sen. Risa Hontiveros na magsagawa ng lifestyle check sa mga opisyal ng Bureau of Immigration matapos mabunyag na may mga opisyal ng ahensiya na tumatanggap ng lagay upang madaling makapasok ang mga Chinese worker sa bansa bilang mga turista.

—Umagang Kay Ganda, Miyerkoles, 19 Pebrero, 2020

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.