'Walang naramdamang side effects': OFW sa Dubai nabakunahan na kontra COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Feb 17 2021 10:23 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Walang naramdamang side effects ang isang overseas Filipino worker (OFW) sa Dubai matapos itong mabakunahan kamakailan kontra COVID-19.

"Actually, gusto ko talaga maramdaman 'yong sinasabi nilang side effects pero sa totoo lang wala talaga akong naramdaman," ani Vinz Lopez sa panayam sa Teleradyo Miyerkoles.

Kuwento niya, nabigyan siya ng unang dose ng Sinopharm vaccine noong Pebrero 1. Ang vaccine ay gawa ng China National Pharmaceutical Group na pagmamay-ari ng Tsina.

"Mga kasama ko, the day after, sabi nila, medyo parang nilalagnat sila pero 'pag nag-check sila ng temperature wala naman. Parang mainit lang sa katawan," dagdag ni Lopez.

Nakaiskedyul ang pangalawang dose ng kaniyang bakuna sa Pebrero 20.

Si Lopez ay 10 taon na sa Dubai at nagtatrabaho bilang technician sa isang observation wheel.

Kahit nabakunahan na siya kontra COVID-19, nagsusuot pa rin siya ng face mask upang matiyak na protektado at makaiwas sa pagkalat ng sakit.