PatrolPH

Babae patay matapos mahulog sa motor, ma-hit-and-run sa Marikina

Reiniel Pawid, ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2022 07:12 AM

Watch more News on iWantTFC

Mahigit 1 linggo na ang lumipas at tinutuntun pa rin ng pulisya ang driver ng kotse na nakasagasa sa 33 taong gulang na babae sa kahabaan ng General Ordoñez Street, Barangay Marikina Heights, Marikina City.

Patay ang biktima na kinilalang si Delsyn Mangui, isang marketing manager at residente ng lungsod ng San Jose Del Monte, Bulacan.

Sa kuha ng CCTV noong February 6, bandang alas-3:45 ng madaling araw makikitang naka-angkas ang biktima sa motor ng kaniyang boyfriend.

Bigla na lang itong nahulog at napahandusay sa kalsada na tila nawalan ng malay.

Pero bago puntahan ang nahulog na kasintahan, itinabi muna ng driver ang motor sa gilid ng kalsada.

Dito na nga nasagasaan nang humaharurot na kotse si Delsyn.

Sinubukan pang dalhin sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center ang biktima subalit idineklara itong dead on arrival.

Hindi pa rin makapaniwala ang pamilya ng biktima sa sinapit nito at ipinaubaya muna ang kaso sa pulisya habang sila’y nagdadalamhati.

Ayon sa report ng Marikina Traffic investigation unit hanggang sa kasalukuyan ay hirap pa rin silang matukoy ang pagkakakilanlan ng driver ng nag-hit-and-run na kotse.

Dahil umano sa tulin ng kotse at may kalabuang CCTV footage ay hindi ma-plakahan ang humaharibas na sasakyan.

Mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide ang tumakas na driver.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.