2 oil tanker bumangga sa Ortigas flyover

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2022 09:55 AM | Updated as of Feb 15 2022 10:17 AM

Watch more on iWantTFC

Dalawang oil tanker ang magkasunod na bumangga sa Ortigas Flyover ang nagdudulot ngayon ng matinding trapiko sa EDSA nitong Martes. 

Sinusubukan pa ngayong alisin ang isa sa mga oil tanker na sumadsad sa flyover bandang alas singko kanina.

Binangga na nito ang mga barrier sa bus lane at nakasampa pa rin ngayon sa northbound ng Ortigas Flyover.

Lampas na sa SM Megamall ang traffic at posibleng humaba pa dahil nahihirapan ang MMDA ang alisin ito dahil kargado pa ng gasolina ang tanker.

Katatapos lang din gamitin ang kanilang mga equipment sa clearing din ng isa pang oil tanker na inararo naman ang 16 na concrete barrier sa southbound lane ng Ortigas Flyover. 

Galing itong Bataan at papunta sa Parańaque at punong-puno pa ng gasolina kaya kinailangan ng forklift para matanggal ito sa pagkakahambalang sa kalsada.

Isinara ang apat na lanes kanina ng southbound dahil maselan ang clearing operation kaya sa baba ng flyover ang daan ng lahat ng sasakyan pati mga bus.

Umabot ng higit 2 oras bago mabuksan muli ang southbound lane ng flyover kaya posibleng matatagalan din bago maayos ang trapiko sa northbound ng EDSA.

Aminado ang mga driver ng parehong oil tanker na nakatulog sila habang nagmamaneho.

Galing Batangas ang oil tanker na inaalis sa northbound lane at papunta sanang Novaliches, Quezon City.

Ayon sa driver, balikan na ang kaniyang biyahe at may 12 oras nang nagmamaneho.

Dahil sa dalawang insidenteng ito, muling nagpaalala si EDSA Traffic Czar Edison Nebrija sa mga nagpapatakbo ng oil companies na siguruhing naka-kundisyon ang kanilang mga driver dahil malaking abala at peligro ang dulot ng mga ganitong insidente.