Doktor mastermind ng pananambang sa abogado?

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2018 08:05 AM | Updated as of Sep 15 2018 09:22 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Iniimbestigahan ang isang doktor bilang mastermind sa pananambang sa isang abogado sa Quezon City kamakailan, kung saan napatay ang pulis na suspek, ayon sa isang opisyal ngayong Miyerkoles.

Hinawakan ni Atty. Arjel Cabatbat, ang target sa pananambang, ang isang kaso na nagresulta sa pagkatanggal sa trabaho ng naturang doktor, ani Chief Superintendent Guillermo Eleazar, hepe ng Quezon City Police District. 

"Mayroon silang (Cabatbat) isang kasamahan na napatay na rin na ang kanilang pinaghihinalaan ay iyung same doctor na napatanggal niya sa trabaho," aniya sa panayam ng DZMM. 

"Sa ngayon po, iyun ang ating pinu-pursue na lead, unless magkaroon tayo ng iba pang development, impormasyon na puwedeng magbigay sa atin ng ibang motibo," dagdag ng opisyal. 
 
Tatlong lalaking nakamotorsiklo ang nanambang sa SUV ni Cabatbat sa EDSA nitong Martes ng madaling araw. 

Namatay ang isa sa mga gunman na si PO1 Mark Boquela Ayeras matapos mawalan ng balanse at masagasaan ng SUV. 

Nahuli naman ang kasamahan niyang si John Paul Napoles habang nakatakas ang isa pa nilang kasabwat na pinaniniwalaang nasugatan. 

Hindi nasaktan ang abogado sa insidente. 

Kinumpirma ng QCPD na naka-AWOL o absent without leave ang napaslang na pulis. 

Tumatanggi namang magbigay ng pahayag ang naarestong si Napoles, sabi ni Eleazar. 

Kakasuhan aniya ng QCPD ang suspek ngayong Miyerkoles. 

DZMM, 14 Pebrero 2018 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.