PANOORIN: Bulkang Mayon, muling nagbuga ng abo at lava

ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2018 05:15 PM | Updated as of Sep 11 2018 04:36 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Nagmukhang balot ng maitim na usok ang kalangitan sa Albay matapos muling nagbuga ng abo at lava ang Bulkang Mayon nitong Lunes ng umaga.

Nananatiling bawal pumasok sa loob ng 8 kilometro sa paligid ng Mayon, isa sa pinaka-aktibong bulkan sa bansa, habang nakataas pa rin ang Alert Level 4.

Ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Director Renato Solidum, lava ang pangunahing depositong inilalabas ng Bulkang Mayon.

"Ang pinakapangunahing deposito na inilalabas niya ay lava at ang lava kapag nasa matarik na lugar ay pwedeng mag collapse at nagdudulot ito ng pyroclastic density current o usod, at ito ay dumadaloy nang mabilis sa ilang mga ilog na merong lava flow. So 'yun 'yung indication, so ibig sabihin kapag napulbos o naging bato yung mga pira-piraso, 'yung lava ito'y magiging parte ng iaanod ng tubig o tubig ulan at ito'y posibleng mag contribute sa posibleng magiging lahar," aniya.

Dagdag pa niya, hindi pa maaaring ibaba ang alert level ng bulkan dahil na rin sa patuloy na pagbabago ng aktibidad nito.

"Pero nagbago ang kanyang estilo, imbes na lava fountaining na paunti-unti ang labas, tuloy tuloy na so mas maraming inilabas at dahil nga namamaga pa ay mini-maintain natin sa alert level 4 ang kondisyon ng bulkan," paliwanag ni Solidum.

Patuloy pa rin umano ang pagbabantay ng Phivolcs sa aktibidad ng Bulkang Mayon.

"Pwedeng hanggang lava lamang, at hindi talaga pwedeng magkaroon masyado ng explosive phase pero inuulit ko, hindi natin pwedeng alisin ito sa kasalukuyan kasi nga patuloy pa rin umaakyat 'yung magma. Patuloy pa rin 'yung lava flow," ani Solidum.

Ayon sa Phivolcs, hindi pa lahar ang bumuhos sa ibang river channel kundi muddy stream flow o baha na may halong ilang materyal mula sa bulkan.

"Kung talagang tuloy-tuloy at malakas ang ulan, talagang magkakaroon ng baha o 'di kaya, sediment laden stream flow," ani Solidum.

Aabot na sa 82.1 million cubic meters ang ibinugang materyal ng Bulkang Mayon mula nang magsimula ang pag-aalboroto nito noong nakaraang buwan. - ulat mula kina Jose Carretero at Jeff Canoy, ABS-CBN News