PatrolPH

Mga dayuhang turista puwede na ulit makapasok sa Pilipinas

ABS-CBN News

Posted at Feb 10 2022 01:00 PM

Watch more News on iWantTFC

Bukas na muli ang Pilipinas sa pagtanggap ng mga dayuhang turista simula ngayong Huwebes.

Bandang alas-4 ng madaling araw, dumating ang flight mula Vancouver, Canada, na isa sa mga unang eroplanong may dalang mga turista bagama't mangilan-ngilan lang ang mga ito.

Karamihan rin sa mga dumating na dayuhang turista ay may mga kakilala o kamag-anak na mga Pinoy, at naging emosyonal din ang naging pagsalubong sa kanila.

Ayon sa mga dumating na turista, bibisitahin nila ang kanilang pamilya dito sa Pilipinas.

Karamihan din umano sa kanila ay noong Disyembre pa sana dadalaw pero inabutan ng muling paghihigpit ng border control.

Base sa schedule hanggang tanghali ng Huwebes, 2 international flights pa lang ang dumating sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2.

Ayon naman sa Bureau of Immigration (BI), inaasahan na nila ang biglaan at hindi pangkaraniwang pagtaas ng dami ng pasahero.

Sa resolusyon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases, puwede nang makapasok ang mga dayuhan turista na fully vaccinated mula sa visa-free countries.

Hindi na rin umano sila kailangang mag-mandatory quarantine pero dapat may negatibong RT-PCR test sa loob ng 48 oras bago bumiyahe.

— May ulat ni Anna Cerezo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.