PatrolPH

Lalaki patay sa hit-and-run sa Kamuning, Quezon City

Nico Bagsic, ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2022 08:27 AM

Watch more on iWantTFC

Nakabulagta at wala nang buhay nang datnan ng mga rescuer ang isang lalaki sa Kamuning Road Quezon City mag-aalas onse Martes ng gabi.

Ayon sa saksi, tumatawid lang daw sa kalsada ang 41 taong gulang na si Rodolfo Fontillas nang mabangga ng kotse na mabilis ang takbo.

Dagdag pa nito may narinig lang daw siyang malakas na kalabog at nakita na lang niyang gumulong-gulong na ang katawan ng biktima sa kalsada.

Humarurot kaagad papalayo ang kotseng nakabangga sa biktima at hindi man lang ito huminto.

Tinangka pang habulin ng isang concerned motorcycle rider ang kotse pero hindi na naabutan matapos mag-stop ang traffic light sa kanto ng EDSA. 

Dumiretso raw ang kotse sa Kamias Road. 

Kwento ng kapatid ng biktima, nagpaalam pa si Rodolfo na mangangalakal lang ng basura matapos silang maghapunan. 

Bigla na lang silang pinuntahan ng mga taga-barangay matapos ang 30 minuto para ipagbigay-alam ang kalunos lunos na nangyari sa kapatid.

Hindi naplakahan ang kotse na nakabangga sa biktima. Pero naiwan ang basag na salamin mula sa headlight na may nakakabit na RFID sticker.

Gagamitin ito ng QCPD Traffic Sector 4 para matukoy ang may-ari ng kotse.

Nananawagan din ang kaanak ng biktima ng hit and run sa driver na sumuko na.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.