PatrolPH

Mga tsuper na may rutang Pasay-MOA, 'di pa rin pinapayagang makapamasada

ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2021 10:48 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA - Maraming mga tsuper ng pampasaherong jeep pa rin ang hindi makabiyahe dahil hindi pa rin nagbubukas ang mga ruta at na-impound na rin ang kanilang mga behikulo.

Ayon kay Mar Valbuena, chairman ng Manibela at Supermalls Metrowide Transport Service Cooperative, mahirap ang pinagdadaanan ng mga tsuper ngayon lalo na’t may pandemya pa rin.

“Napakahirap po ng sitwasyon ng mga kasama nating jeepney drivers na hindi pa rin po makapamasada dahil mag-iisang taon na simula nang ipatupad ang lockdown. Wala namang mahanap na maayos at magandang trabaho na mapapasukan para magkaroon ng kabuhayan ang ating mga kababayan na jeepney drivers, pati ang mga UV Express Drivers,” sabi ni Valbuena.

Hindi pa rin pinapayagan ang mga ruta mula MRT, Buendia, Palanan, Roxas Boulevard at Baclaran papuntang MOA.

“Nagtataka nga kami mag-iisang taon na under evaluation pa rin siya, 'yung ating mga ruta,” sabi ni Valbuena.

Problema rin nila na wala na silang pambayad sa kanilang parking kaya na-impound na nasa 200 jeepney unit nila.

Dagdag ni Valbuena na sa Pasay lamang, nasa 500 mga tsuper at operator ang nakatengga.

“Kami ay umaasa kung ano available na mapapasukan sa tabi-tabi,” sabi niya.

- TeleRadyo 9 Pebrero 2021

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.