PUV drivers dapat magsuot ng face mask: LTFRB

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2020 10:36 AM

Watch also in iWantTFC

MAYNILA - Muling pinaalalahanan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga operator, drivers at konduktor ng public utility vehicle na tumugon sa kautusang magsuot ng face mask sa gitna ng banta ng 2019 novel coronavirus sa bansa.

Ayon kay LTFRB Chair Martin Delgra III, ang Memorandum Circular 2020-005 ay ipinalabas bilang hakbang para hindi kumalat ang virus.

"Panawagan natin sa mga drivers and operators to really comply with the memorandum cirucular. I hope hindi na rin aabot sa pagmumulta sa kanila kung 'di sila na mismo hahanap ng paraan makahanap ng face mask at gagamitin din lalong-lalo na sa pagmamaneho," sabi ni Delgra.

Sa panayam sa DZMM, idiniin ni Delgra na may polisiya ang LTFRB na magpapataw ng parusa sa mga hindi sumusunod sa kanilang circulars.

"May violation po 'yan na tinatawag na breach of franchise so may kaakibat na penalty patungkol dyan at least P5,000 ang violation," sabi niya.

Batid din aniya ng LTFRB na nagkakaubusan na ng face masks hindi lamang sa Metro Manila.

"What we're actually doing here is substantial compliance. Maglagay lang pangtakip para lang 'di makakahawa sa ibang tao and also to encourage the riding public to do the same," dagdag niya.

Bukod sa pagsusuot ng face masks, inatas rin ng LTFRB ang paglalagay ng hand sanitizers sa terminals.

Naglagay na rin aniya ang LTFRB ng safety tips na galing ng Department of Health sa mga terminals bilang paalala sa publiko.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.