PatrolPH

Ilang gov't employees balak magretiro nang maaga kapag binaba ang optional retirement age

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2023 08:23 PM | Updated as of Feb 05 2023 08:25 PM

Watch more on iWantTFC

(UPDATE) MAYNILA — Dalawang dekada na sa gobyerno si Edward Gonzales, ang pinuno ng Road Emergency Group ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Walang pinipiling oras ang kanilang trabaho sa pagreresponde.

Kaya pinaghahandaan na rin niya sa edad na 54 ang pagreretiro mula sa serbisyo. 

Sa kasalukuyang batas, may 6 na taon pa siyang kailangang hintayan bago siya pwedeng mag-early retirement.

Pero kapag naisabatas ang House Bill No. 206—na layong ibaba sa 56 mula 60 ang optional retirement age—pinag-iisipan nina Gonzales at maging ng kanyang asawa na nagtatrabaho rin sa gobyerno na samantalahin na ang mas maagang pagretiro pagtungtong ng 56.

“Wala naman masyadong pagkakaabalahan, tapos na ang mga anak, may mga sari-sarili na silang trabaho so ang iniisip na lang natin ngayon, kapag natuloy ‘yong early retirement nga, magtayo na lang ng sariling business,” sabi niya.

Bilang bahagi ng paghahanda ni Gonzales, nagpaplano at nagdidisenyo na siya ng itatayong mga paupahan bilang pagkakakitaan.

Para sa kanya, paraan din ito na hindi siya matetengga pagkaalis sa gobyerno.

“Hindi naman tayo ‘yong tipong ‘pag nag-retire ka na, pahinga na lang. Mas prone ka doon sa sakit. So kung matutulog ka lang, papahinga ka lang, hindi pupuwede sa atin ‘yon dahil sanay din ‘yong katawan ko sa trabaho,” sabi ni Gonzales.

Ayon sa family life and child development specialist na si Tina Soliman-Zamora, mahalaga ring isaalang-alang sa batas hindi lang ang mga benepisyong pinansyal ng mga magreretiro kundi pati ang kanilang mental health.

"We are giving an opportunity for that person to have a new life at that age,” sinabi niya sa TeleRadyo.

“You reinvent yourself. Kahit may pera ka, kung araw-araw wala kang gagawin, it takes a toll on your mental health. ‘Yon ang importante sa kanila, na malaman nila na mayroon silang usage o contribution, hindi sila nagsta-stagnate.”

Ayon sa Government Service Insurance System (GSIS), nasa 130,000 o 6.5 percent ng 1.98 milyong aktibong miyembro nito ang mga nasa edad 56 hanggang 59 na may 15 taong serbisyo at pwede nang makinabang sa mas mababang retirement age.

Pangamba lang ng GSIS, iiksi nang 11 taon ang tagal ng buhay ng social insurance fund nito para sa mga pensyon.

Kung hanggang 2053 tatagal ang pondo sa ngayon, maaaring tumagal na lang ito hanggang 2042.

Pero tiniyak ng GSIS na ipatutupad pa rin ang batas sa mas maagang retirement kapag isinabatas ito.

Ilan sa panukala ng GSIS ay magtayo ng seed fund ang gobyerno bilang reserba para sa pensyon, taasan ang halaga ng binabayad na premium, o kaya maglagay ng diskwento sa pensyon kung kukunin ito nang mas maaga.

Pero tingin ng Civil Service Commission (CSC), hindi kailangan pag-usapan ulit ang pagtaas ng babayarin ng mga GSIS members, at sa halip silipin ang mga natatanggap na “perks and privileges” ng mga nasa GSIS.

Samantala, para maalalayan na rin ang mga kawani ng gobyerno sa tamang paghawak ng pera para sa pagreretiro at maging habang nasa serbisyo pa sila, nakipagtulungan ang CSC sa Bangko Sentral ng Pilipinas at BDO Foundation para maglunsad ng financial education for civil servants.

May 5 module ang programa na tatalakay sa financial planning, saving and budgeting, debt management, basics of investment, at digital financial literacy.

Nauna na itong itinuro sa CSC noong 2019 at nakatakda namang ipakalat sa iba pang ahensya ng burukrasya simula Hunyo 2023 sa pamamagitan ng mga trainer ng Civil Service institute.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.