SAPUL SA CCTV: Pagsabog sa isang kainan sa QC

ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2018 09:03 PM | Updated as of Feb 05 2018 09:57 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Nakuhanan sa CCTV ang pagsabog sa isang establisimyento sa Banawe, Quezon City.

Dalawa ang sugatan sa naturang insidente.
 
Sa kuha ng CCTV sa gusali pasado alas-8 ng umaga nitong Lunes, makikita ang ilang naglalakad sa establisimyento.

Ilang sandali pa, bigla na lang may sumabog.

Makikitang tumilapon at nabasag ang salamin ng isang restaurant at nagkalat ang mga bubog sa lobby ng gusali. 

Agad na rumesponde ang mga bumbero at nilapatan ng paunang lunas ang lalaking nasa restaurant na kinilalang ang taga-Hong Kong na si Cheung Konkwan, isang chef. 

Isinugod siya sa ospital dahil sa tinamong sugat. 

Isang biktima pa ang nasugatan na kinilala ng mga pulis na si Glena Pike. 

Nag-inspeksiyon naman agad ang Quezon City Police District (QCPD) at Bureau of Fire Protection (BFP) sa pinangyarihan ng pagsabog.

Nagpakalat din sila ng bomb squad para masiguro ang kaligtasan ng lahat. 

Ayon sa BFP, posibleng nagkaroon ng gas leak ng LPG na maaaring naging dahilan ng pagsabog.

Siniguro naman ng QCPD na walang kinalaman sa terorismo ang nangyaring pagsabog.

Patuloy ang imbestigasyon ng QCPD at BFP sa insidente at titingnan din kung may pagkukulang ang establisimyento.
 
-- Ulat nina Doland Castro at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.