MAYNILA — Dinepensahan ni Sen. Ronald "Bato" dela Rosa ngayong Sabado ang planong pagbabalik ng Reserve Officers' Training Corps o ROTC sa mga eskuwelahan.
"Iyong ating kabataan, instead na magsige reklamo, magsigeng TikTok-TikTok lang diyan, dapat ihanda natin ang ating kabataan para gampanan 'yung kanilang constitutional duty na depensahan ang ating bayan sa panahon ng pangangailangan," sabi ni Dela Rosa sa ABS-CBN TeleRadyo.
Magpapatuloy sa Lunes ang pagdinig ng Senado patungkol sa isinusulong ni Dela Rosa na mandatory ROTC sa mga kabataan.
Ani Dela Rosa, kailangang ibalik ang ROTC para magkaroon ng dagdag na puwersa ang Pilipinas sa oras ng tangkang panghihimasok ng ibang bansa, tuwing may sakuna, at krisis.
Matututuhan din aniya sa ROTC program ang moral values, personal discipline, love of country, patriotism, nationalism, respect for human rights, adherence to the constitution, at marami pang iba.
Iginiit niyang ayon sa Konstitusyon, puwedeng i-require ng gobyerno ang lahat ng mamamayan na magsilbi sa militar kung kinakailangan.
"Alam natin may looming threat tayo dito sa South China Sea, 'yung pag-occupy ng China diyan sa ating mga teritoryo diyan sa South China Sea. Kailangan ready tayo, dahan-dahan na silang umaabante dito. 'Yung harapan ng Palawan natin, nakikita na 'yung mga presensiya nila diyan," ani Dela Rosa.
"National defense is the strength of the country. If you have a weak national defense then you have a weak country. You cannot be respected. Puwede kang bully-bully-hin lang ng mga kapitbahay mo because [para sa kanila] mahina ka, mahina ka na bansa. So kailangan talaga natin, strengthen 'yung ating national defense capability through the imposition of mandatory [ROTC]," dagdag niya.
PROTEKSIYON VS ABUSO
Isa sa dahilan kaya tinanggal na ang mandatory ROTC sa mga paaralan ay dahil sa isyu ng korupsiyon at pang-aabuso.
Pero sabi ni Dela Rosa, may mga inilatag na proteksiyon ang bagong bersiyon ng programa.
"Naglagay tayo ng grievance board. Ito ay bubuuhin ng taga-DND, taga-TESDA, taga-CHED at school mismo para ito 'yung mag-address sa mga problema sa corruption, abuse na nagaganap sa ROTC. Kahit walang complainant, basta meron silang na-oobserba o may nakarating sa kanilang balita na merong ganitong nangyayari, motu propio they can investigate sa allegation," aniya.
Hindi rin puro "militaristic" ang ituturo sa bagong ROTC, ayon kay Dela Rosa.
"Maybe 50 percent is military, 25 percent is disaster response, 25 percentis for personal development. 'Yung lahat-lahat ng moral values mga personal discipline, dito nila matutuhan. Kaya all-encompassing itong mandatory ROTC program."
OPOSISYON
Para kay Jandeil Roperos, national president ng National Union of Students of the Philippines, banta sa academic freedom ang isinusulong na pagbabalik ng ROTC sa mga eskuwelahan.
"Kasi papasok 'yung presensiya ng militar at kapulisan sa loob ng ating mga paaralan kung saan hindi na magkakaroon ng malayang pag-aaral dahil siyempre... nakakatakot 'yung presence ng military at police... Kasi tini-treat natin 'yung ating mga paaralan as safe spaces, zones of peace. Dapat walang baril o kung ano mang makakapahamak sa seguridad ng ating mga estudyante," ani Roperos.
Sa harap ng mataas na presyo ng mga bilihin, dagdag gastos rin aniya para sa mga magulang at estudyante ang ROTC dahil sa uniforms at iba pa.
May mga isyu rin aniyang dapat unahing pagtuunan ng pansin ng gobyerno, tulad ng maayos na pagsasagawa ng face-to-face classes.
"Itong mandatory ROTC, hindi ito 'yung pangunahing kinakailangan ng mga estudyante. Isipin natin, tayo ngayon ay nagre-resume sa face-to-face classes. [Dapat] pinag-uusapan sa loob ng Kongreso ay paano mas maging equipped 'yung ating paaralan sa 100 percent face-to-face [classes]. Ito sana 'yung unahing masiguro," sabi niya.
Suhestiyon ng grupo ni Roperos, sa halip na palitan ang National Service Training Program (NSTP) sa pamamagitan ng National Citizens Service Training Program bill (NCSTP) na nakikitang daan sa pagbabalik ng ROTC, dapat aniya ay rebyuhin na lang ang mga nakikitang pagkukulang ng NSTP at pabutihin ito.
Hindi laging sa paraan ng military training maituturo ang pagiging makabayan ng mga estudyante, ani Roperos.
"Kailangan natin ng patriotism, nationalism hindi sa porma ng forced military training kundi sa ating kultura, sa ating pinag-aaralan sa ating curriculum. Kaya isinusulong din namin sa halip na forced military training ay dapat ibalik ang history subject sa K-12 program."
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.