Mga tsuper ng jeep na ‘di pa rin makabiyahe, namamalimos sa QC

ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2021 09:21 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Maraming tsuper ng pampasaherong jeep ang nakakalat pa rin sa mga kalsada sa Metro Manila para mamalimos sa mga motorista.

Ilan sa kanila ay namamalimos sa bungad ng North Luzon Expressway (NLEX) sa Mindanao Avenue. Sila ang mga tsuper na halos isang taon na ring hindi nakakabiyahe dahil hindi pa rin binuksan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang ruta nila Rotunda papuntang MCU at pabalik sa bahagi ng Caloocan.

Hindi alintana ng mga tsuper ang init sa lugar at nakikipagpatintero sa gitna ng kalsada para makahingi ng kaunting barya sa mga motoristang dumadaan.

Sa kuwento ng isa sa mga tsuper, sinubukan niyang maghanap ng ibang trabaho bilang kargador, driver at iba pa pero hindi kaya ng kaniyang bulsa ang pag-aayos ng mga dokumentong kailangan para mapropeso ang kaniyang employment.

- TeleRadyo 4 Pebrero 2021