25 katao sa Negros Oriental naka-quarantine

ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2020 07:54 AM

Watch also in iWantTFC

Kasabay ng pagpapalawak ng Negros Oriental Provincial Epidemiology Surveillance Unit o PESU ng ginagawang contact tracing, pinag-iisipan na rin ng lokal na pamahalaan ang paglaan ng pondo para sa mga apektadong indibidwal ng self-quarantine.

Umabot na kasi sa 25 ang naitalang persons under monitoring o PUM na karamihan ay hindi makapagtrabaho habang nasa 14-day quarantine. 

Humingi na rin ng saklolo ang probinsiya para sa dagdag na medical staff na mag-momonitor sa 5 persons under investigation o PUI na kasalukuyang nasa isolation room ng government hospital. 

Ayon sa lokal na PESU, may personal contact ang mga PUI sa 44 anyos na lalaki at 38 anyos na babaeng mula Wuhan, China na nagpositibo sa novel coronavirus o 2019-nCoV. 

Bago mamatay ang lalaking nCoV patient nitong Sabado, napag-alamang magkasama silang namasyal ng 38 anyos na babaeng pasyente sa Dumaguete City at sa bayan ng Dauin, Negros Oriental. 

—Umagang Kay Ganda, Martes, 04 Pebrero, 2020 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.