PatrolPH

TINGNAN: Higit 100 baby pawikan natagpuan sa Oriental Mindoro

ABS-CBN News

Posted at Feb 03 2022 06:28 AM

Watch more News on iWantTFC

Ikinagulat ng mga residente na nakatira sa tabing dagat sa Barangay Estrella, Naujan, Oriental Mindoro nang matagpuan ang napakaraming mga maliliit na pawikan.

Madaling araw nang mapansin ng barangay tanod na si Joel Cesar Alcovera ang mga maliliit na pawikan na gumagapang sa buhanginan.

Kaagad siyang nagtawag ng iba pang mga residente at doon nila natuklasan ang nasa higit isandaang bagong pisang mga pawikan.

Dahil alam ng mga residente na dapat pangalagaan ang mga pawikan,
agad nila itong itinawag sa bantay dagat na nagsabing pakawalan sa dagat ang mga pawikan.

Tulong -tulong ang mga residente na inilagay sa palanggana ang mga pawikan at dinala sa tabing dagat para pabalikan sa dagat na kanilang natural na tirahan .

Ayon kay Barangay Secretary Warly Panganiban, halos taon-taon may napipisang mga itlog ng pawikan sa kanilang tabing dagat.

Nangangahulugan umano ito na alam ng mga inang pawikan na ligtas ang kanilang lugar kaya doon nila pinipiling mangitlog at mapisa.

Pero dahil sa marami ng mga pawikan ang nangingitlog sa kanilang tabing dagat, plano ng pamunuan ng barangay na pailawan ito para maproteksyonan.

Umaabot ng 75 hanggang 90 araw ang mga itlog ng pawikan bago mapisa.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.