PatrolPH

Mga biktima ng sunog sa QC, siksikan sa tennis court

ABS-CBN News

Posted at Feb 02 2023 08:49 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Sa tennis court ng Barangay Masambong, Quezon City nakikisilong ngayon ang mga biktima ng sunog ng Barangay Apolonio Samson nitong Miyerkoles.

Bagama't may mga modular tent, pinili ng karamihan sa mga apektado ng sunog na matulog sa labas dahil mas maalinsangan sa loob nito.

Ang iba naman ay hindi na nagkasya sa loob ng tennis court kaya sa may gilid kalsada na lang natulog.

Bukod sa tennis court, ginawa ring evacuation center ang katabing paaralan.

Sa tala ng social welfare department ng Quezon City, nasa 602 na pamilya o 1,967 na indibidwal ang apektado ng sunog.

Wala namang naitalang namatay sa sunog pero isang nakaburol na residente ang nasunog ang bangkay. Hindi na kasi nailikas ng pamilya ang kabaong nito.

Karamihan sa mga nabiktima ng sunog walang naisalbang mga gamit kaya umaapila sila ng tulong.

May mga inabot ng tulong sa mga nasunugan kagaya ng pagkain.

Pinaguusapan na rin ng lokal na pamahalaan at ng barangay, ayon sa mga biktima, ang posibleng pabahay sa mga nabiktima ng sunog, pero habang wala pa sa evacuation center muna ang mga ito pansamantalang maninirahan.

Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection sa sanhi ng sunog na nagsimula pasado alas dos ng hapon.—Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.