PatrolPH

Sunog sumiklab sa Holy Spirit, QC

ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2023 06:56 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Nabulabog ang mga residente ng BF Road, Barangay Holy Spirit, Quezon City matapos masunog ang kanilang lugar, Miyerkoles ng umaga.

Nasa likod ng palengke na tinatawag na BF talipapa ang sunog na umabot sa unang alarma.

Sa inisyal na imbestigasyon, nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng isang paupahang bahay magaalas 4 ng madaling araw.

Ayon sa isa sa mga umuupa sa bahay na si Rose Ann Villanueva, nagising na lang silang may usok na kaya bigla silang lumabas.

Agad namang nakalabas ang mga nangungupahan sa bahay.

Inaaalam pa ng BFP kung ilan ang bilang ng mga apektadong bahay at commercial establishments.

Samantala, ayon kay Noel Abecendario, ang barangay executive officer ng Barangay Holy Spirit, inaalam na nila kung ano ang pwedeng maibigay na ayuda sa mga nasunugan.

Karamihan sa mga nagsilabasang nangungupahan sa nasunog na mga bahay, walang nadalang gamit, dahil lahat sa mga ito nabigla sa pagsiklab ng apoy.

Wala namang naiulat na nasaktan sa sunog.—Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.