PatrolPH

Higit P2-M halaga ng ecstasy nasabat sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2022 11:44 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA — Higit 1,000 tableta ng party drugs na ecstasy ang nasabat sa Central Mail Exchange Center sa Pasay City.

Sa limang magkakahiwalay na padala ito nadiskubre nang inspeksyunin ng customs personnel. Nakalakip ang mga tableta sa 2 envelope na galing sa mga bansang Germany at the Netherlands.

Idinaan ang mga padala sa X-ray inspection sa NAIA dahil sa kahina-hinala nitong laman at nadiskubre ang nasa 26.4 grams ng ecstasy. Higit P2 million halaga ng nakumpiska.

Walang nakasulat na detalye ng mga nagpadala ng mga kontrabando na para sana sa iba’t ibang mga indibiduwal sa Mandaluyong, Caloocan, Bulacan at Davao.

Sa datos ng Bureau of Customs, tumaas ng 60 porsiyento ang tangkang pagpupuslit ng ecstasy papasok sa bansa. Nasa 14 na padala ang nasabat noong 2020, at tumaas ito sa 23 padala noong 2021.

Patuloy ang pagbabantay ng ahensiya, anila, kasama ang PDEA para hindi makalusot ang mga kontrabando.

— Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.