PatrolPH

Dagdag P1 singil na pasahe, inihirit ng UV express operators

ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2023 06:31 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Epektibo ngayong Martes ang dagdag na naman sa presyo ng produktong petrolyo.

Aminado ang mga motorista na dagdag pasanin na naman ito sa kanila lalot ito na ang ikatlong beses nang nagkaroon ng umento sa presyo ng produktong petrolyo. Sa gasolina, P1.30 ang dagdag, P1.35 sa kerosene habang piso sa diesel.

Isa sa mga umaaray sa dagdag sa presyo ang mga UV Express drivers, lalo na at piso din ang dagdag sa krudo.

Kaya naman ang UV Express National Alliance of the Philippines, inihihirit ang mabilisang tugon ng LTFRB sa kanilang hiling na pisong dagdag sa pamasahe bawat kilometro.

Ayon sa pangulo ng grupo na si Exequiel Longares, napapanahon na ang umento sa pamasahe lalot mula 2002 walang fare increase ang mga UV express.

Ramdam na ng mga namamasada maging ng mga UV express operators ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Hinihintay na lamang ngayon ng grupo ang magiging desisyon ng LTFRB sa kanilang hiling.

Natapos na rin ayon kay Longares ang hearing para dito.

Pero para sa mga regular commuters malaking epekto ang dagdag sa pamasahe.

Hiling din ng grupo na mabigyan ulit ng subsidiya ang mga UV express drivers at operators lalo't karamihan sa mga ito ay ngayon pa lamang bumabawi sa epekto ng pandemya.

Makakabuti din ayon sa grupo na matulungan sila lalo't kasabay din sila sa transport modernization program kung saan kailangan na palitan ang kanilang mga unit.

Sa buong bansa, nasa mahigit 50,000 ang UV express, ayon kay Longares. - Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.