Pinatay na barangay chair sa QC, kakandidato sanang kongresista

ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2019 11:05 AM | Updated as of Jan 31 2019 11:06 AM

Watch also in iWantTFC

Kakandidato sanang kongresista ang isang barangay chair sa Quezon City na pinatay ng mga nakamotorsiklong salarin nitong Huwebes, ayon sa kaniyang katrabaho.

Nasa sasakyan papuntang Payatas si Criselle Beltran, kapitana ng Barangay Bagong Silang, nang salubungin at pagbabarilin ng mga salarin na sakay ng motorsiklo, ayon sa mga testigo.

Nasa 4 ang katunggali sana ni Beltran sa pagkakongresista sa 2nd District ng lungsod, ayon kay barangay executive officer Jie Nicolas Bolaño na 9 na taon na nakatrabaho ng kapitana.

Walang aniyang naikuwentong banta sa buhay si Beltran at wala ring nakaaway bago ang insidente.

"Kilala po namin si kapitana, maging mga napagalitan o nakagalit niya, lahat iyun niyayapos niya. Hindi mahilig iyan makipagsagutan ng away, gusto niya lahat kakampi," ani Bolaño sa panayam ng DZMM.

Itinuturing ng pulisya ang insidente bilang "election-related violence" ayon sa hepe ng Quezon City police na si Chief Supt. Joselito Esquivel.

Nanawagan ang pulisya sa mga posibleng testigo na makipag-ugnayan sa kanila para sa agarang paglutas sa kaso.

DZMM, 31 Enero 2019