Home > News Suspek sa serye ng panghoholdap ng ilang remittance center, timbog Karen de Guzman, ABS-CBN News Posted at Jan 30 2023 08:11 AM | Updated as of Jan 30 2023 08:55 PM Share Facebook Twitter LinkedIn Viber Watch more on iWantTFC MAYNILA -- Sapul sa CCTV nitong Biyernes ang panloloob ng isang lalaki sa isang money remittance center sa Barangay Katipunan, Quezon City. Pasado 9 a.m., kita ang lalaking naka-helmet na pumasok sa loob ng counter ng naturang branch. Itinulak niya ang babaeng empleyado saka binuksan ang kaha ng remittance center. Tinangka nitong kunin ang pera pero pumalag ang dalawang empleyado. Sinuntok pa ng suspek ang mga empleyado at saka kumaripas ng takbo. Hinabol naman siya palabas ng mga biktima. Ang komosyon, napansin ng mga bystander sa labas at dito na kinuyog ang suspek. Nadakip ang holdaper na kinilalang si Mon Argel Bacoy. Nakumpiska sa kanya ang isang fan knife at isang plastic sachet ng hinihinalang shabu. Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na ang suspek ang nasa likod ng serye ng panghoholdap sa iba pang branch ng naturang remittance center sa Quezon City, Rizal, at Bulacan. Inamin naman ng suspek na dati siyang empleyado ng remittance center at nagawa lang ang krimen matapos mapagbintangan na nangholdap ito. Nakakulong ngayon ang suspek sa Masambong Police Station 2 at mahaharap sa kasong robbery at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 makaraang mahulihan ng shabu. Paalaala naman ng mga pulis, mag doble-ingat at tawagan ang kanilang hotline number para sa agaran nilang pag responde. Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita. Share Facebook Twitter LinkedIn Viber PatrolPH, Tagalog news, TV Patrol Read More: crime CCTV sapul sa CCTV holdap remittance center Tagalog news PatrolPH