SAPUL SA VIDEO: Rambulan ng ilang menor de edad sa tapat ng mall

ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2018 08:16 PM | Updated as of Jan 29 2018 08:17 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Viral ngayon sa social media ang video ng ilang kabataang nagrambulan sa tapat ng isang mall sa Malolos, Bulacan.

Sa video na ini-upload noong Enero 25, kitang-kita ang ilang binatilyong nagtatakbuhan at nagsasapakan sa labas ng mall.

Pilit silang sinasaway at inaawat ng security guard pero tuloy pa rin ang away ng mga kabataan.

Mabilis lang ang pangyayari at agad na nakatakas ang mga dawit sa gulo.

Ayon sa Malolos, Bulacan PNP, mga menor de edad ang karamihan sa mga sangkot na ngayo'y pinaghahahanap nila.

"Hindi naman sila magkakakilala, baka nagkaroon ng, alam mo naman ang mga bata... nagka-trip-tripan sila, ayan ang nangyari," ani Supt. Heryl Bruno, hepe ng Malolos, Bulacan PNP. "Itong mga nabugbog, iyon 'yong na-contain ng security guard at police... Ang mga ito ay sa area ng mga taga-Marilao, dayo."

Nakikipag-ugnayan na rin ang pulisya sa pamunuan ng mall. 

Nagpaalala rin ang pulisya sa mga magulang ng mga nasangkot sa rambol na kung maaari ay bantayan ang mga anak para makaiwas sa gulo.

Nanawagan din sila sa publiko na i-report sa kanila sakaling may impormasyon sa mga nagrambulan.

-- Ulat nina Doland Castro at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.