Bond paper, solar lamps hatid ng 'Papel Mo sa Kinabukasan Ko' sa Catanduanes

ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2021 12:33 PM

Watch more News on iWantTFC

Patuloy na nagtutulong-tulong ang mga guro at para-teachers ng Roxas Elementary School sa bayan ng Viga sa Catanduanes sa pag-alalay sa kanilang mga estudyante sa pag-aaral gamit ang modular learning.

Ayon kay Mary Ann Velasco, teacher-in-charge ng eskuwelahan, 4 lamang silang mga guro at 2 para-teachers ang nakatutok sa may 86 na mag-aaral.

Sabi ni Velasco, malaking tulong sa kanila ang mga para-teachers lalo na sa pagtuturo sa modules ng mga mag-aaral ngayong may pandemya at matapos din ang suliraning iniwan ng bagyong Rolly sa lalawigan.

Sa kuwento naman ni teacher Shirley Rodriguez, noong regular na klase, sa apat na silid-aralan nila pinagkakasya ang mga mag-aaral mula kinder hanggang Grade 6. Ang mga classroom na ito ay nasalanta ng bagyo.

Ang kanilang flagpole ay nabali rin noong bagyo kaya ang watawat ay nakasabit lang sa pinto ng faculty room.

Malaking pasasalamat nila sa dalang 50 reams ng coupon bond ng Bayan Mo i-Patrol mo at Kabayan sa TeleRadyo sa programang "Papel Mo sa Kinabukasan Ko" na magagamit sa pag-print ng modules.

Pero sa apat na printers, dalawa na lamang ang gumagana dahil bumigay na ang iba.

“Sana po madagdagan ang aming printer at laptop sa pagpi-print ng aming modules,” sabi ni Velasco.

Bukod sa mga papel, kasamang dinala sa paaralan ang solar lamps, hygiene kits, pagkain at inumin mula sa ABS-CBN Sagip Kapamilya.

- TeleRadyo 28 Enero 2021