PatrolPH

Truck inararo ang 2 motorsiklo, 4 SUV sa Pasig matapos mawalan ng preno

ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2023 07:35 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Nagkalat ang mga basag na salamanin at sira-sirang parte ng mga sasakyan sa kanto ng Ortigas at Lanuza Avenue sa Pasig City Miyerkoles ng gabi.

Sumalpok kasi ang isang 10-wheel truck sa 4 na SUV at 2 motorsiklo.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Pasig City Traffic and Parking Management Office, nawalan umano ng preno ang truck habang binabaybay ang kahabaan ng Ortigas Avenue, kaya't kinabig ito ng driver papuntang Lanuza Avenue.

Dito na nadamay ang 2 motorsiklo at 4 na SUV na nakahinto sa kanto dahil sa traffic light.

Wala naman naitalang nasawi sa aksidente pero ang may-ari at nagmamaneho ng isa sa mga nasangkot na SUV ay nagtamo ng maliit na galos sa kanyang kamay. Nabasag din ang salamin sa may pinto ng kanyang sasakyan.

Pauwi na sana siya kasama ang kanyang misis at anak sa San Mateo, Rizal matapos mamili sa isang mall.

Nasa kustodiya na ng traffic police ang driver ng nakabanggang truck habang tuloy ang imbestigasyon sa naging sanhi ng aksidente.

Naikwento rin nito na nakausap na nila ang may-ari ng truck at handa naman aniyang sagutin nito ang gastos sa pinsala sa kanilang mga sasakyan.—Ulat ni Nico Bagsic, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.