Pulis na nag-AWOL pinagbabaril sa Tondo

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2022 06:24 AM

Watch more News on iWantTFC

Patay ang isang pulis matapos pagbabarilin ng 3 suspek sa Tondo, Maynila.

Dead on arrival sa ospital ang 45 anyos na lalaki na pinagbabaril ng mga hindi pa kilalang suspek Martes ng gabi.

Nag-iinuman ang biktimang si Richard Ramos kasama ang kapatid sa harap ng kanilang bahay sa Barangay 43, Tondo, Manila nang dumating ang isang van. Tatlong lalaki ang bumaba sa van at pinagbabaril si Ramos.

Ayon kay Police Major Mark Christopher Del Mundo, commander ng Asuncion PCP, pulis ang biktima na nag-AWOL matapos ang tatlong taon sa serbisyo.

Inaalam pa naman ang dahilan ng kanyang pag-AWOL at kung konektado ang pagpaslang sa dati niyang trabaho.

Patuloy rin ang imbestigasyon sa mga suspek na agad tumakas lulan ng van patungong Road 10.