Panghoholdap sa gasolinahan, naunsiyami

ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2018 09:39 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Isang gasolinahan ang tinangkang holdapin ng mga kawatan Huwebes ng gabi sa Tondo, Maynila.

Sa kuha ng CCTV, pasado alas-11 ng gabi nang makita ang pagdating ng isang motorsiklo sa gasolinahan sa Road 10.

Bumaba ang 2 sa tatlong lalaking sakay nito at lumapit sa cashier ng gas station.

Nagulantang na lang sila nang makita ang paparating na mga pulis. Nagkaputukan pa ang magkabilang panig.

Kritikal ang isa sa mga suspek na agad dinala sa ospital habang tinamaan din ng bala ang kasama nito, pero nakatakas.

Nakatakas rin ang taong nagmaneho ng motorsiklo.
 
Wala namang nasugatan sa mga pulis at walang nakuha ang mga kawatan sa kahera ng gasolinahan.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang pamunuan ng gasolinahan. – Umagang kay Ganda, 26 January 2018

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.