PatrolPH

P5-M halaga ng damit ninakaw; binebenta umano online

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2023 06:57 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Arestado ang anim na katao na sangkot umano sa pagbebenta ng nakaw na ready-to-wear (RTW) overrun garments sa Pasay City kagabi.

Enero 18 nang maghain ng reklamo ang isang banyagang negosyante sa Maynila tungkol sa ninakaw na 500 kahon ng damit sa kanyang bodega na nagkakahalaga ng P5 milyon.

Nakarating sa kaalaman ng negosyante na ang naturang mga nawawalang damit ay ibinebenta online kayat nagsumbong ito sa mga pulis na nagkasa agad ng entrapment operation.

Nagpanggap na poseur buyer ang saleslady ng businessman at nagkasundong magkita sa Villamor, Pasay City.

Dito na nahuli ang anim na suspek at narekober ang 15 kahon ng nakaw na RTW na nasa P148,000 ang halaga.

Katwiran naman ng sa isa sa mga naarestong online seller, hindi niya alam na nakaw pala ang mga naturang overrun garments.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1612 o Anti-Fencing Law.

Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga awtoridad upang marekober ang iba pang mga nakaw na damit.—Ulat ni Karen De Guzman, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.