Mga health workers na nagka-COVID sa Ospital ng Imus, balik-trabaho na

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2022 09:07 AM | Updated as of Jan 24 2022 09:12 AM

Watch more News on iWantTFC

MANILA – Halos lahat ng mga healthworkers na tinamaan ng COVID-19 sa Ospital ng Imus ay nakabalik na sa trabaho, ayon sa isa sa kanilang mga opisyal.

“Nakabalik na po halos 80 percent to 90 percent ng mga empleaydo naming nag-positive,” kuwento ni Dr. Jennifer Roamar.

Ani Roamar, umabot ng halos 35 percent or nasa higit 130 sa kanilang mga empleyado ang nagkasakit ng COVID-19.

“Ngayon bumalik na, pinayagan na namin makabalik yung mga elective surgery namin atsaka yung mga OB patients namin, kasi nga, nag-OK na yung staffing ng ospital.”

Sabi ni Roamar, karamihan sa mga pasyenteng naka-admit sa kanilang ospital ay nagpapakita lamang ng moderate na sintomas. 

“Meron din kaming isang severe tapos the rest is moderate, kasi yung severe, ito yung mga walang bakuna kasi na pasyente, pero karamihan naman moderate. Mabilis naman sila maka-recover.”

Payo ni Roamar, importante ang pagpapabakuna para hindi maging malala ang sintomas ng COVID sa isang pasyente. 

“Halos lahat kasi sa Imus is vaccinated na. Na-reach na kasi namin yung 85-90% na vaccinated population tsaka may booster na rin.”

“Meron man kaming mga pasyente, karamihan is nasa bahay, o mild, so telemedicine, outpatient na lang ang nangyari. Kasi pag wala kang bakuna, wala kang panlaban talaga, o wala kang defense kahit papaano,” aniya.

--TeleRadyo, 24 January 2022