PatrolPH

Analysts nakukulangan sa pagtugon ni Marcos sa mga tanong ukol sa bansa

ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2023 11:22 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Nakukulangan ang ilang analysts sa pagtugon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ilang mga katanungan ng media sa isang roundtable discussion nitong Lunes.

Sa naturang diskusyon, sinagot ni Marcos ang mga mungkahi ng media ukol sa bansa.

Ayon sa political analyst na si Froilan Calilong, maganda na nagsalita ukol sa geopolitics at globalization ang Pangulo sa gitna ng umiinit na tensyon sa pagitan ng mga bansa sa iba't ibang rehiyon ng mundo.

Pero ayon kay Calilong, hindi siya na-satisfy sa mga ibinigay na sagot ni Marcos ukol sa tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China ukol sa South China Sea.

Ayon akay Calilong, may mga binanggit ang Pangulo na hindi sapat ukol sa panghaharang ng Chinese coastguard sa ilang mga Pilipinong mangingisda sa South China Sea. Aniya, mas maraming malalim na datos ang dapat mailatag.

Napansin din niya umano sa interview na hindi direktang umamin si Marcos na kailangan na niya talaga magtalaga ng Agriculture Secretary. Ang Pangulo ang kasalukuyang tumatayong pinuno ng Department of Agriculture.

Ayon naman sa analyst na si Edward Chico, maganda na naipaliwanag ni Marcos ang kontrobersiyal na Maharlika fund, ang isinusulong na sovereign fund ng bansa.

Maganda din umano napag-usapan gaanu kalaki ang gastos sa kaniyang mga biyahe dahil pitong buwan pa lamang si Marcos sa pwesto pero naka-walong foreign travel na ito bilang Pangulo ng bansa.

Ani Chico, sina dating Pangulong Fidel Ramos at Erap Estrada ay nagkaroon lang ng walong biyahe sa unang taon nila sa panunungkulan.

Giit ni Chico, dapat ipaalam sa publiko ang mga nagastos sa mga biyahe dahil naghihirap ang mga Pilipino dulot ng matinding inflation na nararanasan sa bansa.

Aniya, naging interesante ang roundtable discussion kung saan nagkaroon ng batikos sa Pangulo. Saad ni Chico, sana gawing regular ni Marcos ang mga naturang diskusyon kasama ang media.

Dagdag niya, mas maalam si Marcos kumpara sa sinundan nitong Pangulo na si Rodrigo Duterte. 

Mas maganda kung may datos ang impormasyon na ibibigay ni Marcos sa susunod na roundtable, ani Chico.—SRO, TeleRadyo, Enero 23, 2023

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.