Mag-double mask kontra COVID-19: DOH

ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2022 03:24 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA - Hinikayat ng Department of Health ang publiko na mag-double mask o magsuot ng cloth mask sa ibabaw ng surgical mask para sa karagdagang proteksyon laban sa COVID-19.

Ang N95 at KN95 ang nagbibigay ng pinakamataas na lebel ng filtration, kasunod nito ang double masking, at panghuli ang surgical grade mask, ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire. 

"Hinihikayat natin ang lahat ng ating kababayan na mag-double mask upang ma-maximize ang filtration and protection. Atin din pong siguruhin na hindi maluwag at tama ang fit ng mask," aniya.

"Magsuot ng mask lalong lalo na kung tayo ay lalabas at makikihalubilo sa mga taong 'di kasama sa bahay."

Dapat pinapalitan kada 6 na oras ang isang surgical face mask o kapag ito'y madumi na, ayon sa tagapagsalita ng DOH.

Dapat regular na nilalabhan ang cloth masks, samantalang dapat palitan ang isang N95 o KN95 mask kung ito ay nabasa, may punit o maluwag, dagdag niya.

Siguraduhin na tama ang pagkakasukat ng face mask at natatakpan ang ilong at bibig, ani Vergeire.

"Panatilihing malinis at tama ang pagususot nito para sa maximum protection sa banta ng COVID-19," aniya.